Ninais kong ilathala ang aking mga katanungan ukol sa Kilusang Mayo Uno noong Lunes, subalit ngayon lamang ako nagkaroon ng pagkakataong gawin ito.
Sana’y napapanahon pa rin ang paglalathala ko nito sa aking blog:
Para sa Kilusang Mayo Uno,
Aaminin kong limitado ang aking pagkakakilanlan sa Kilusang Mayo Uno.
Bukod sa kaalamang nabuo ito noong dekada 80, at naglalayon itong isulong ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, ang imahe ng KMU sa aking mga mata ay nakakahon sa pagsasalarawan ng organisasyong ito sa media. Hindi maganda ang pagsasalarawang iyon: lumalabas na ang KMU ay isang organisasyong nangunguna sa paguudyok sa mga mangagawa na mag-welga, at pangunahin din sa mga kilos protestang ginagawa ng mga makakaliwa.
Sari-sari ang pananaw ng mga taong-bayan ukol sa organisasyon, subalit para sa mga mangangalakal at may-ari ng negosyo, iisa lamang ang pagtingin nila sa KMU: problema.
Naaalala ko ang isa kong kaibigang nagsiwalat ng kanyang panggagalaiti laban sa KMU. Nagpatayo noong maagang bahagi ng dekada 90 ang kanyang ama ng isang pagawaan ng mga sintetikong tela. Sa pagnanais na makatulong sa kanilang lipunan, ang mga kinuhang trabahador ng kanyang ama ay ang mga maralitang walang hanapbuhay sa lugar nila. Subalit nang maglaon ay nahimok ng KMU na magtayo ng unyon ang mga trabahador. Nagsimula ang kanilang problema nang magpatalsik siya ng isang trabahador na nahuling naninigarilyo sa imbakan ng mga tela; ang mga telang sintetiko ay napakadaling magliyab at napakabilis masunog. Nang magsampa ng kaso ang unyon sa kumpanya ukol sa pagpapatalsik, at nagwelga ang mga trabahador, napilitang isara ng ama ng aking kaibigan ang kanilang kumpanya dahil sa pagkalugi.
Sa mga kumpanyang sinarhan dahil sa pagkalugi dulot ng welga, paulit-ulit ang aking nakikita. Naalala kong mabuti ang dating Josephine’s Restaurant sa kahabaan ng Roxas Boulevard. Dalawang taon matapos magsara ang naturang establisimento, naandon pa rin ang ilan sa mga manggagawa, sumisilong mula sa mga elemento gamit ang mga sako at telang dating nagsilbing banner at streamer nang nagwelga sila, samantalang hinayaan ng may-aring mabulok ang maliit na gusali.
Malinaw na hindi na sila muling nakahanap ng trabaho, at tila inabandona sila ng organisasyong naghimok sa kanilang magwelga.
Mas kabaha-bahala pa ang aking nakita sa kaso ng Hacienda Luisita noong nakaraang taon, kung saan sinasanay ng KMU ang mga magsasakang lumaban at makipagbakbakan sa mga militar at pulis na malinaw na may mas epektibong kasanayan sa paggamit ng karahasan at mga nakamamatay na sandata. Bakit huhubugin ng isang organisasyong tunay na nagmamalasakit sa mga manggagawa ang mga kasapi nito na ilagay sa peligro ang kanilang buhay, lalo pa’t siguradong mas malakas ang pwersang kanilang kahaharapin?
Hindi ko nakikita ang lohika sa likod ng ganitong mga aksyon, ang nakikita ko lamang ay romantisismo ng mga taong tila nais maniwala mga pelikulang nagpapakita ng mga mahihinang nagtatagumpay laban sa mga makapangyarihan.
Ako man ay manggagawa ngayon, maituturing ko ang aking sarili na mapalad sapagkat nasa posisyon ako na kaya kong maabot sa hinaharap ang pagkakataon na makapagtayo ng sarili kong negosyo. Subalit nagbabadyang maging suliranin ang pagkakaroon ng unyon sa hanay ng aking mga manggagawa, lalo pa’t may KMU na maaaring sumuporta dito at hihimok ditong magwelga. Nakalulungkot lamang isipin na hindi malinaw para sa nakararami kung ano ang depinisyon ng KMU sa isang employer na makatarungan at may malasakit sa kanyang mga empleyado.
Maaari ko ba itong malaman? Anong mga kwalipikasyon ang kailangang taglayin ng isang kumpanya upang matawag ng KMU na makatarungan at may malasakit sa kanilang mga empleyado?
Hindi ba’t karapatan lamang ng mga employer na makita ang depinisyon ng “makatarungan” at “may malasakit?”
Hindi ba’t dapat masuri ang depinisyon na iyon upang malaman kung naaayon ito sa realidad ng pagpapatayo at pagpapatakbo ng negosyo sa Pilipinas?
At kung mayroon man silang mga nakasaad na kwalipikasyon, hindi ba karapat-dapat na kilalanin ng KMU ang mga kumpanyang itinuturing nilang gayon upang sila’y mapuri, mahangaan at matularan ng ibang mga kumpanya? Bakit hindi nila ginagawa iyon?
Eksklusibo bang nakalaan ang atensyon ng KMU sa pag-organisa ng mga welga at kilos protesta?
Magmimistulan bang reklamador at pasimuno ng gulo lamang ang turing ng mga mangangalakal at nagmamay-ari ng negosyo at industriya sa Kilusang Mayo Uno?
Nawa’y may pinuno o kasapi man ng KMU na tumugon sa aking mga katanungan, at magbigay linaw sa mga isyung aking isinaad.
Maraming salamat.
5 responses so far ↓
1 cocoy // May 7, 2006 at 11:30 am
i don’t know the kmu. pero i think, ganito ka c yun… some times its easier for people to throw rocks at a house than to build it. maybe ka c may benefit sa kanila magreklamo and do what they do.
2 Jon Limjap // May 7, 2006 at 11:43 am
Which is another accusation made by several businessmen:
Namemera lang daw ang KMU.
3 marlon // Jan 1, 2008 at 7:32 pm
KMU, Tagapamandila ng Tunay, Palaban at Anti-Imperyalistang Unyonismo.
Sa KMU, pinag-iiba ang pagharap sa klase ng kapitalista, ito ba ay pambansang burgesya? Dayuhang Monopolyo kapitalista? sa aking karanasan, bilang naging isang opisyal at organizer ng isang lokal na unyon ng KMU, nakita at naranasan ko ang tunay na kahulugan ng unyonismo sa pamumuno ng KMU. Hindi kailanman humihingi ng dagdag na sahod ang mga unyon ng KMU sa hindi pa kinikita ng kumpanya, laging ang pamantayan ay humingi ng ilang porsyento, 10% ay malaki na, sa kinita ng mga nakaraang taon. Subalit sadyang tuso at hindi talaga mapagkakatiwalaan ang mga kapitalista sa kanila ang negosyo ay laging lugi.
bakit may welga? ito ang pinaka mataas na sandata ng manggagawa upang ipantanggol ang kanilang mga batayang karapatan. anong gagawin mo kung ang isang kumpanya ay biglang mag aalsa balutan para lamang lumipat ng ibang lugar gamit ang ibang panggalan at ang pinakamasaklap ay kinokonsenti ng ating pamahalaan.
anong gagawin mo kung maging ang disisyon ng ating mga korte, lalo na ang korte suprema ay hindi sinusunod ng mga kapitalista?
mungkahi ko!
subukan ninyong makipagtalakayan sa mga manggagawang walang unyon, may unyon at nagwelga. malalaman ninyo kung ano? bakit? para saan? para kanino? ang kanilang mga ginagawa.
salamat!
hanggang sa muli!
4 Mayo Uno « *boSsAbOs* // Apr 30, 2008 at 12:00 am
[...] a blog about KMU Possibly related posts: (automatically generated)Cthulhu Cthursday: LOLCthulhus [...]
5 mayo uno « onLy iN p!naS // May 1, 2008 at 11:55 am
[...] a blog about KMU [...]
Leave a Comment