Ang Kape Ni LaTtEX

Upang magising ang inaantok na kamalayan

Ang Kape Ni LaTtEX header image 2

Bakal na Kamao

September 22nd, 2005 · 2 Comments

Dapat kahapon ko pa nailathala itong akdang ito, isang akdang naisulat ko na noong nakaraang taon bilang tugon sa isang thread sa forums ng PNB, sa paksa ukol sa kung anong klaseng pinuno ang dapat nating ihalal noong 2004. Ngayon sa gitna ng mga isyung gumigimbal sa ating bansa at sa pagala-ala sa ika-33 taon anibersaryo na pagdeklara ng Batas Militar sa ating bansa, nais ko rin itong ibahagi sa inyo:

===============

Bakal na kamao — isang bansag na kinatatakutan ng marami, subalit pinagkukunan ng pag-asa ng iba. Kung iisipin, ang bakal na kamao ay isang pangako — pangako ng kaayusan, kapayapaan, pagwawasto ng mga mali, pagpaparusa sa mga nagkakasala. Sa kabilang banda, ang bakal na kamao ay isang banta — banta sa kalayaan ng pagkilos, pagpapahayag, at sa katarungan.

Ang bakal na kamao ang nasa kanang dulo ng pulitikal na spektrum; ang maka-kanang pagiisip na ang tao ay likas na masama at kailangang disiplinahin sa lahat ng bagay sa anumang paraan. Gayong pagiisip ang ginamit ng mga sikat na lider ng iba’t-ibang bansa, at ilan sa kanila ay nagtagumpay, kabilang sina Lee Kuan Yew at Mahatir Mohammad. Subalit kabilang din sa mga may gayong paniniwala si Adolf Hitler.

Huwag na tayong lumayo pa sa ating bayan; naranasan na ng sambayanang Pilipino ang mapasailalim sa rehimeng Marcos, at nakita na ng lahat ang mga epekto ng gayon klaseng kapangyarihan, mula sa humahawak ng kapangyarihan hanggang sa napapasailalim ng kapangyarihang iyon. Marami itong magandang epekto; nawala ang krimen, nabawasan ang pangungurakot ng marami, gumanda ang ekonomiya nang ilang taon, natangkilik ang mga produktong sariling atin. Subalit marami din itong masamang epekto; maraming pinatay dahil sa kanilang pagkiling at paniniwala, maraming umabuso sapagkat nakakapit sila sa diktador, nabuhay sa takot at hinagpis ang marami, at nalunod sa pagnanasa ng kapangyarihan ang siyang mga may hawak nito.

Nais ba nating ibalik ang gayong panahon, sa halaga ng kalayaang sa tingin ng marami’y inaabuso sa kasalukuyan? Maraming nagiisip na sige lang, madali lang namang “sumipsip” sa kung sinong nasa kapangyarihan, sumunod ka lang sa kanilang mga “habilin”. Marahil, totoo, subali’t sa kalauna’y wala tayong suliraning nalutas. Ika nga sa inggles, “we’re just running in circles,” at wala din tayong mararating.

Anumang anyo ng lubos na kapangyarihan ay nakasisira sa tao, at sa isang sistemang pulitikal kung saan madaling pagsamantalahan ang kapangyarihan, tila hindi ito maiiwasan. Kahit na marami na sa ating mga pulitiko sa kasalukuya’y nagsimula bilang mga idealistikong kabataang lider ng mga kilos protesta noong panahon ng Batas Militar, karamihan sa kanila’y nauwi din sa uri ng pulitikong minsa’y kanilang kinamuhian. Gayon naman talaga; nabubulok ang lahat ng kamatis na inilagay sa sisidlan ng bulok na kamatis, kahit kaunti lamang ang mga bulok sa simula. Pano pa kaya kung napakarami na?

Sa gayong kalagayang pulitikal ng ating bayan, sa tingin niyo ba’y makakakuha tayo ng taong maisusuot ang kumikinang na bakal na kamaong hindi masisilaw sa kakayahang taglay nito? Nanood naman siguro kayo ng “Lord of the Rings.” Ang singsing ng kapangyariha’y hindi dapat isuot ninuman; ito’y nararapat lamang itapon sa impiyernong siya nitong pinanggalingan.

Panahon na upang itigil nating ang pagpapaikot ng ating mundo sa kapulpulan ng paniniwalang nakasalalay sa isang tao ang lahat ng ating mga suliranin. Ang pagkiling sa isang sistemang pulitikal na mala-bakal na kamao ay pagbabalik lamang sa paniniwala sa isang “messiah” o tagapagligtas. Subalit ang paniniwala na mayroon ngang gayong isang tao na magliligtas sa atin ay katumbas lamang ng paniniwala kay Eddie Gil sa kanyang pagwikang babayaran niya ang pagkakautang ng Pilipinas. Panahon na din upang ating kilalanin na anumang bagay na mabuti’y nagiging masama kapag lubus-lubusan. Masama ang lubos na kalayaan, pero huwag nating kalimutan ang kasamaan ng lubos na pagpupulis sa taumbayan.

Itigil na natin ang panloloko sa ating mga sarili na may madaling paraan na lutasin ang ating mga sarili kung saan ang susi ay isang pinunong makapagpapawasto sa atin. Kung mayroon mang liligtas sa ating bayan, ito ay ang ating mga sarili, hindi iisang tao lamang. Si Hesus, Mohammed, at Sidharta Gautama (Buddha) ay hindi nabuhay sa mundong ibabaw bilang mga Superman, kundi nagkatawang tao bilang mga guro.

Alam na natin ang mga aral na kailangan natin upang lutasin ang ating mga suliranin. Matagal na itong nakasiwalat sa mata ng tao. Kailangan lang simulan nating gawin ang mga ito.

Tags: Uncategorized

2 responses so far ↓

  • 1 bugsybee // Sep 22, 2005 at 7:27 pm

    … at simulan natin kaagad.

  • 2 Jay // Sep 23, 2005 at 12:04 pm

    Ika nga e.. “Kung gusto mong maging malinis ang buong barangay, simulan mo sa iyong sariling bakuran” =)

Leave a Comment